Sunday, February 06, 2005

Huling mensahe para kay *****

Sayang. Matagal kitang minahal. Matagal rin kitang naging inspirasyon. Sa kislap ng iyong singkit na mga mata at nakatutunaw na ngiti, nakita ko sa iyo ang mga pangarap ko. Sa iyo ko natagpuan ang lahat ng hinahanap ko. Ikaw ang nakita kong magiging bahagi sana ng buhay ko sa hinaharap. Ngunit ayaw mo. Wala kang sinabi.

Sayang talaga. Binalak pa naman kitang dalhin dito sa Amerika kung nagkatuluyan tayo. Handa kong harapin ang magulang mo at ang pamilya mo dahil alam kong magiging malaking gulo ang ating pagsasama. Ang nakita kong tanging solusyon ay ang ating pagtakbo dito sa Amerika, kung saan mamumuhay tayong tahimik at mapayapa. Ngunit hindi. Sadyang hindi nakaukit sa mga tala. Marahil ay talagang ayaw mo lang. Napilitan akong tanggapin iyon.

Minsan, hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung ano kaya ang nangyari sakali mang naging tayo. Siguro, may bahagi pa rin ng puso ko na nagmamahal sa 'yo, kahit matagal na akong sumuko. Mahirap pilitin ang sadyang hindi maaari at mahirap rin namang umasa sa wala.

Ngayon, nabalitaan ko na may nagmamay-ari na ng puso mo. Sa wakas. Natagpuan mo rin ang siyang nararapat sa puso mo. Sana ay mahalin ka niya tulad ng pagmamahal ko sa iyo, ang pagmamahal na tinanggihan mo. Sana ay maging maligaya ka sa piling niya. Napakaswerte nga naman niya dahil sa kanya mo ibiniyaya ang pagmamahal mo. Alam mo bang may isang punto sa buhay ko na umaasa akong sa akin mo ibabahagi iyon? Ngayon, naiinggit ako, ngunit alam kong wala na akong magagawa.

Sige, magmahalan kayo, kung ito ang nararapat. Nandito lamang ako, naghihintay sa pagkakataong umibig muli ang puso kong sugat-sugat at pagod na pagod na. Ang huling hiling ko lamang sa iyo ay sana, huwag mong kalimutan na minsan, minahal kita at mananatili ka sa isang bahagi ng puso ko...

0 Comments:

Post a Comment

<< Home